3 mangingisda, nasagip ng PCG matapos masiraan ng bangka sa karagatang sakop ng Benham Rise

Nasa maayos nang kalagayan at naiuwi na sa kanilang mga pamilya sa Barangay Napo, Polangui, Albay ang 3 mangingisda na nasiraan ng motorbanca sa karagatang sakop ng Benham Rise.

Unang naiulat ng kanilang mga kamag-anak na nawawala ang mga biktima na nakilalang sina Romeo Bernardo, 59-anyos; Freddie Lubiano, 54- anyos; at Glen Lopez, 44-anyos matapos pumalaot upang mangisda.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan Philippine Coast Guard (PCG) matapos maiparating sa kanila ang pangyayari.

Matapos ang apat na oras na search-and-rescue operations ay namataan ang mga mangingisda sakay ng nasirang F/BCA BENEDECT UNO.

Iniligtas ang mga biktima at hinila ang bangka sa Bgy. Del Norte, Pandan, Catanduanes.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Lubiano, boat captain na nagkaroon sila ng problema sa makina ng bangka habang pabalik na sila sa Pandan, Catanduanes matapos mangisda sa bisinidad ng Benham Rise.

Natuklasan ng PCG na pinasok na ng tubig-alat ang makina ng bangka na naging sanhi ng pagtigil nito.

Please follow and like us: