5 Carnapper, patay sa engkuwentro sa Tuba Benguet; ilan sa napatay, nakasuot ng police uniform

Dead on the spot ang limang suspek matapos maka-engkuwentro ang mga tauhan ng Tuba Municipal Police at mga operatiba ng PROCOR sa Taloy Sur, Marcos Highway, Tuba Benguet kaninang madaling araw.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napatay na limang suspek.

Una rito, inalerto ng La Trinidad Police ang kanilang mga tauhan matapos maiparating sa kanilang tanggapan ang  isang  kaso ng carjacking sa kanilang bayan na agad nilang ipinarating  sa PROCOR na nakabase sa Camp Badu Dangwa.

Agad umanong nagposte ang mga awtoridad ng checkpoint sa Marcos Highway para masabat ang mga suspek maging ang truck na kanilang tinangay at nagsagawa na ng hot pursuit operation sa ikadarakip ng mga hinihinalang miyembro ng  carjacking syndicate.

Nang masukol na ang mga carjacker sakay ng isang aluminum wing van truck na may plakang ADH-3116 at isang gray na SUV na walang plaka ay nakipagpalitan na ng mga putok ng baril ang mga ito sa mga pulis sa lugar na ikinasawi ng mga suspek.

Dalawa sa mga napatay ay nakasuot pa ng police at fatigue uniform, habang ang tatlo ay may mga tattoo sa katawan.

Bumalagbag naman sa gilid ng kalsada ang ginamit na mga sasakyan ng mga napatay na suspek matapos ang engkuwentro kung saan narekober ang ilang matataas na kalibre ng baril at bala mula sa ginamit na sasakyan ng mga suspek.

Freddie Rulloda

Please follow and like us: