All-star game sa Indianapolis, inilipat ng NBA sa 2024

LOS ANGELES, United States (AFP) – Sa halip na sa 2021, ay sa 2024 NBA all-star game na magiging host ang Indianapolis.

Ayon sa liga, napilitan silang i-reschedule ito dahil sa health situation na may kaugnayan sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni NBA Commissioner Adam Silver, na bagamat disappointed sila na hindi gaganapin sa Indianapolis ang NBA All-Star Game sa 2021, inaabangan pa rin nila ang Pacers at ang pagho-host ng syudad sa game at mga kaugnay na events sa 2024.

Pinasalamatan din ni Silver si Herb Simon, Steve Simon, Rick Fuson at ang kabuuan ng organisasyon ng Pacers, maging ang NBA All-Star 2021 Host Committee at ang komunidad ng Indianapolis, sa kanilang pakikipagtulungan para ma-reschedule ang All-Star activities.

Wala pang detalyeng inilalabas tungkol sa 2021 game.

Ang Cleveland ang magiging host sa 2022, at ang Salt Lake City sa 2023. Ang  2024 game ay magaganap sa Pebrero sa Bankers Life Fieldhouse, ang tahanan ng Pacers.

Tumaas ang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 sa estado ng Indiana sa nakalipas na buwan, kung saan ang kabuuan ay malapit na sa 5,500.

© Agence France-Presse

 

Please follow and like us: