Ang Araw Noong Araw

Ako po si Tita Metty, and this is My Tea. Samahan po ninyo akong balikan ang mga nagdaang panahon, throwback kumbaga sa panahon ngayon, habang humihigop ng malinamnam at masustansiyang tsaa. Pag-usapan natin ang anumang bagay sa ilalim ng mainit na araw, noong mga panahong wala pang sira ang ozone layer. Naalala ko pa si Lola Pelang, kapag nakita nya na maaliwalas ang kalangitan, maliwanag at kulay asul ay masaya siya dahil maaari na siyang mag-almirol. Hindi pwedeng mag-almirol kapag di masikat ang araw kasi babaho mga inalmirulan dahil sa gawgaw.

Almirol

Ano nga ba ang almirol? ito ay tinunaw na gawgaw (starch) sa tubig sa batya, na dadagdagan pa ng mainit na tubig depende sa timpla ng nag-aalmirol. Doon isa-isang aalmirulan ang mga unan, kumot, kulambo, kamisola, karsonsillo (brief ngayon), at kamison (lady chemise), kurtina. Ang almirol ay proteksyon para huwag madaling marumihan ang mga cotton na kayo ng tela.

Kung hindi mo maintindihan kung anu-ano ang mga ito, marahil ay kabilang ka sa mga millenials . Sa panahon kasi ngayon ay hindi mo na rin mahuhulaan kung kailan bubuhos ang ulan, kahit pa maaliwalas ang kalangitan, kaya’t wala na rin yatang nag-aalmirol ngayon.

Patalbog

Kung patalbugan naman sa pagluluto ang pag-uusapan, siguradong mahirap tapatan ang aking Tia Sion, dahil sa kanyang simple subalit masarap na recipe na kung tawagin ay Patalbog na niluto sa palayok. Mula sa hugas bigas, lalagyan nya ito ng halubaybay – isang uri ng bagoong isda, at habang kumukulo, lalagyan niya ito ng kamatis at sibuyas. Marahil ay itatanong ninyo kung bakit tinawag na Patalbog ang lutong ito? Kasunod kasing ihuhulog o itatalbog sa kumukulong tubig sa palayok ang mga gulay na talong, okra, at ampalaya at wala itong kasamang pampalasa o vetsin.

May dalawa pa siyang masarap na putahe: pangat na lumulundag pang biya o ayungin.Lalagyan niya ng kamatis o kaya’y hilaw na mangga, o santol o hilaw na sampalok o kamias .Hay ang sarap kumain na naka-kamay lamang. Natural pa ang mga pang-asim noon dahil andun lang sa bakuran ang mga puno nito.

Kawkaw

Natatandaan ko papo minsan ay kumain kami sa bahay ng kaibigan ng aking Tatay sa San Jose, Nueva Ecija. Napakahaba ng lamesang yari sa kahoy, pati na ang bangko. Subalit bago kumain, kailangang magkaw-kaw ng kanang kamay sa bao ng niyog na may tubig, mabasa lang ang kamay ay ayos na. (Hindi pa uso noon ang paghuhugas ng kamay habang kumakanta ng happy birthday.)

Makikiraan Po

Sa lugar na kung tawagin ay Santor sa Bongabong, Nueva Ecija, isang oras na biyahe mula sa aking hometown sa Cabanatuan City, ang mga tao ay nakilala sa pagiging magalang at malapit sa bawat isa sa komunidad. Bilang katunayan, sa tuwing may daraan sa tapat ng isang tahanan, nakaugalian na nilang sumigaw ng “Tatang makikiraan po!”, na sasagutin naman din ng pasigaw mg may-ari ng bahay ng “Sige anak!” Ito ay kahit hindi naman sila magkamag-anak o kahit hindi pa personal na magkakilala.

Harana

Usung-uso ang harana sa San Ildefonso, Bulacan at maging sa ibang mga probinsiya lalo na sa mga kabukiran noong early 60’s. Ang harana ay isang paraan ng panliligaw gamit ang awit at gitara. Subalit lingid sa kaalaman ng maraming kabataan ngayon, hindi basta-basta ginagawa ang harana noon na gaya ng paraan ng panliligaw ngayon. Bago mag-harana, kailangan munang magpa-alam ang maghaharana kasama ang padrino o iginagalang na mga matatanda sa lugar sa mga magulang ng babaeng kanyang haharanahin. Nakadungaw ang dalaga sa bintana habang ang nanghaharana ay nasa ibaba kasama ang kanyang padrino at pagkatapos ng harana ay paakyatin na siya sa bahay. Ang mga bahay noon ay may hagdanan kaya nga ang tawag ay “aakyat ng ligaw.” Pag bumalik siya sa mga susunod na gabi at katagalan ay may dumating na dating manliligaw, dapat magpaalam na siya agad para pagbigyan ang dumating, dahil kung hindi siya aalis, may problema siya dahil lumalabag na siya sa kaugalian noon ng panliligaw.

Matamis na Oo

Isa o dalawang taon ang karaniwang itinatagal ng panliligaw noon, bago ibigay ng dalaga ang kanyang “matamis na oo” sa nanliligaw sa kanya. Ikinuwento sa akin ng aking Lolo Talyo kung paano niya nasungkit ang “matamis na oo” ng magandang Lola Gundang.

Mula sa pagkabata, si Lolo Talyo ay hindi nakapagsuot ng anomang pangyapak dahil korteng luya ang daliri ng kanyang mga paa. Bukod pa dito, may konting pagkahukot pa siya. May pagkakahawig din siya sa komedyanteng aktor na si Pugak, pero sa kabila ng lahat ng ito ay lakas loob pa rin siyang nanligaw kay Lola Gundang. Sa mahabang panahon ay patuloy na nanligaw si Lolo kay Lola, subalit ayaw daw siyang sagutin ni Lola Gundang, hanggang sa mangyari ang hindi inaasahan.

Abangan po ninyo sa susunod kung paano nasungkit ni Lolo Talyo ang matamis na oo ni Lola Gundang. Hulaan po ninyo kung ano ang nangyari hanggang sa susunod na serving ng My Tea ni Tita Metty.

Please follow and like us: