Apat na suspek sa iligal na pagbebenta ng high-powered firearms, timbog ng NBI sa Parañaque City
Inaresto ng NBI-National Capital Region (NBI-NCR) sa isang entrapment operation ang apat na lalaki kabilang ang isang retiradong sundalo sa Parañaque City, dahil sa iligal na pagbebenta ng mga matataas na kalibre ng armas.
Ayon kay NBI NCR Regional Director Ferdinand Lavin, ang dalawang used o gamit nang high-powered firearms ay ibinenta sa kanilang mga ahente na nagpanggap na buyer, sa halagang P290,000.
Photo: Phil. News Agency FB page
Ayon kay Lavin, “200 to 400 meters ang range ng 5.56 at ito nakita nyo maliit, back up ito and yung .45-caliber malakas shocking value nya, you notice na di lang yan full metal jacket may hollow, so special bullets ginagamit, hindi ito yung mga nire-reload. These are used firearms, these are not brand new. Ang tawag nila dyan fast break, yung mabilisan lang kasi gusto nila mawala agad sa pag-iingat nila, siguro makaikot sila kapag mabilis turnaround makabenta uli sila.”
Kaugnay nito, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, na aalamin din ng NBI kung nagamit ang mga nasabing armas sa iba pang mga krimen o kung sangkot sa mismong patayan ang mga suspek na nagbenta.
Photo: NBI FB page
Sinabi ni Santiago, “These firearms are subject to forensic analysis, baka yan ang nagamit sa mga previous murder cases, mga killings, kaya ito will be subjected to forensic examination. Yung mga narekober na bullet sa mga body ng victims previously maaaring magmatch sa mga firearms na ito, kaya di pa tapos ang kanilang pananagutan.”
Kabilang sa mga dating parokyano ng grupo ay mga POGO kaya posibleng ang mga armas na nakumpiska ay ginamit ng POGOs na idinidispatsa na ngayon.
Sabi pa ni Lavin, “Yung mga POGO paalis na, these could be part of their arsenal na dinidispatsa na.”
Makikipag-ugnayan din ang NBI sa Interpol para matiyak kung ang mga nasabat na armas ay ipinuslit sa bansa.
Dagdag pa ni Lavin, “Yung far end nito is to check with foreign counter parts from Interpol whether these firearms were declared loss, stolen, had been trafficked illegally or smuggled into this country.”
Inihayag pa ni Director Santiago na napapanahon ang pagkakahuli sa mga suspek, dahil malapit na ang halalan kung kailan nagsusulputan ang mga iligal na armas.
Ani Santiago, “Remember nalalapit na eleksyon kaya naglilipana na naman unlicensed firearms, kaya yun nga mahigpit ang tagubilin sa ating mga ahente na i-check ang mga ganitong firearms na ibinibenta, may possession ng firearms na wala namang license.”
Moira Encina-Cruz