Autistic, itinuturing din na Persons with Disability kaya may karapatan din sa mga benepisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan ayon sa DOH
Mga batang may sariling mundo, may kakaibang mundo, napakalikot, paikot ikot sa lugar, pauga uga ng katawan habang nakaupo, may kakaibang reaksyon o kaya naman ay walang emosyon, hindi makatingin sa mga mata ng taong nagsasalita kundi sa bibig nito at maraming iba pa.
Ito ang karaniwang makikita sa isang taong may Autism.
Ayon kay Department of Health Asec. Dr. Eric Tayag, ang Autism ay isang neurological disorder kaya ang isang batang meron nito ay naaapektuhan ang normal na development ng kanyang utak na nagkakaroon ng suliranin sa lahat ng aspeto ng kanilang pamumuhay at pakikisama sa pamilya, sa kaibigan at sa komunidad na kanilang kinabibilangan.
Sa ilalim ng batas, kasama ang mga may autism sa mga itinuturing na Persons with Disabilities .
Tulad din ng mga senior citizens, kasama din sila sa dapat na pagkalooban ng 20 percent discount at exempted sa value added tax.
Ang nakalulungkot…kailangan pang isama ang bata o matandang autistic kapag bibili ng gamot at anumang gagawin na dapat i-avail ang benepisyo, pero ang mahirap, hindi madali na laging kasama ang autistic dahil kung minsan ay may sumpong. Kaya, hindi rin nakukuha ang kaukulang discount kahit pa nga may PWD ID na dala ang mga magulang.
Kaya naman, pinag aaralan na ng DOH at iba pang ahensya ng pamahalaan kung paano ang paraang gagawin para matanggap ng mga taong autistic ang benepisyong laan para sa kanila.
Ulat ni: Anabelle Surara