Bagyong Julian, lalakas pa subalit walang epekto sa kabuuan ng bansa

Ganap nang isang bagyo na nasa kategoryang tropical depression at pinangalanang bagyong Julian ang low pressure area na nasa silangang bahagi ng hilagang Aurora.

Inaasahang kikilos ito patungong kanluran at hilagang kanluran ngayong araw hanggang bukas ng umaga sa bilis na 15km/h, bago umakyat pa-hilaga bukas ng gabi.

Inaasahan rin ang patuloy na paglakas ng bagyo. Mula sa kategoryang tropical depression, ito ay posibleng maging isang tropical storm sa loob ng 12 hanggang 36 oras, at posibleng pumasok sa typhoon category sa Linggo ng umaga.

Batay sa forecast track ng PAGASA, mananatili ang bagyong Julian sa karagatan ng Pilipinas at malayo sa kalupaan.

Dahil dito, maaari itong magdulot ng panganib sa mga karagtang sakop ng Batanes, Babuyan Islands, at Ilocos Norte kung kaya’t pinapayuhang huwag munang pumalaot ang mga maliliit na bangka sa mga nabanggit na lugar.

Sa kabila nito, malayo ang posibilidad na magtaas pa ng Tropical Cyclone Wind Signal at wala ring magiging direktang epekto ang bagyo sa lagay ng panahon sa kabuuan ng bansa.

Huling namataan ang bagyo sa layong 940 km East ng Casiguran, Aurora o 975 km East ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay nito ang hanging aabot sa 55 km/h at may pagbugsong aabot sa 70 km/h.

Posible namang lumabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng gabi (Agosto 31).

Please follow and like us: