DOLE, nagbabala sa publiko laban sa illegal na nag-aalok ng trabaho sa Japan at Israel
Nagbabala ang DOLE sa publiko laban sa mga tao at ahensya na iligal na nag-aalok ng trabaho sa Japan at Israel.
Ito ay kahit may inilalatag ng programa ang Pilipinas sa pagitan ng Japan at Israel na lilikha ng maraming trabaho doon para sa mga Pinoy.
Ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say, iwasan nila ang mga taong nagbibigay ng katiyakan ng regular na trabaho sa Japan at Israel.
Paliwanag ng opisyal, kasalukuyan pa rin nakikipag-usap ang Pilipinas sa gobyerno ng Japan at Israel para sa pagtanggap ng mga Pinoy na magtatrabaho roon.
Pinayuhan ng DOLE ang mga may planong mamasukan sa ibang bansa na kumuha muna ng mga pagsasanay at sertipiko para agad na maging kuwalipikado sa oras na magsimula na ang programa.
Nakikipagtulungan pa aniya ang DOLE sa Japan para mabalangkas na ang Technical Internship Program na inaasahang lilikha ng tinatayang nasa 35,000 trabaho doon na gusto nilang punan ng mga OFW.
Sinabi pa ni Usec Say na bumubuo pa rin ng Memorandum of Understanding ang Pilipinas at Israel Delegation para tumanggap ng mga Filipino caregivers.
200 Pinoy caregiver kada taon ang kakailanganin ng Israeli government at maaari pang tumaas ang bilang na ito sa mga susunod na taon.
Ulat ni: Moira Encina