DOT nakipag-ugnayan na sa DTI at LGUs ukol sa umano’y overpricing ng seafoods sa Panglao, Bohol
Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na siniseryoso nito ang insidente ng sinasabing overpricing ng seafoods sa Virgin, Island sa Panglao Bohol.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco,
kritikal sa pagbangon ng tourism industry ang patuloy na suporta ng mga turista kaya kailangan na mapangalagaan ang kapakanan ng mga ito.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang DOT sa mga kinauukulang local government units.
Pinasalamatan naman ng kalihim sina Governor Aris Aumentado at Mayor Boy Arcay sa agad na pagpapaimbestiga sa pangyayari.
May koordinasyon na rin ang DOT sa Department of Trade and Industry (DTI) dahil mahalaga na maipatupad ang makatwirang pricing standards upang maproteksyunan ang mga konsyumer.
Magbibigay din ang regional office ng DOT sa LGUs ng gabay sa mga pamantayan para sa provision ng tourist goods at services.
Inihayag ni Frasco na magkakaloob din ang DOT ng pagsasanay sa frontline tourism workers at stakeholders upang mabantayan ang overall tourist experience sa isla.
Naiintindihan aniya ng DOT ang mga hamon at problema na kinakaharap ng mga tourism-related businesses at establishments bunsod ng pandemya.
Pero dapat aniya na isaalang-alang ang kabuuang karanasan ng mga turista lalo na’t ang turismo ay shared responsibility.
Moira Encina