Grupo ni dating CIDG Region 8 Chief Supt. Marcos nagsabwatan para patayin si Mayor Rolando Espinosa, ayon sa DOJ
Kumbinsido ang DOJ na nagkaroon ng sabwatan o conspiracy ang CIDG Region 8 raiding team para patayin sina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at kapwa bilanggo nito na si Raul Yap sa loob ng selda ng mga ito.
Sa resolusyon ng DOJ, sinabi na premeditated o planado ang naging hakbang ng grupo ni Supt. Marvin Marcos, dating hepe ng PNP-CIDG Region 8, sa pagpatay sa mga biktima.
Si Marcos ang tumayong tagapangasiwa ng over-all operation sa pagpaslang kina Espinosa.
May ebidensya rin anila na nagsabwatan ang mga respondent na sina Chief Inspector Leo Laraga, Supt. Santi Noel Matira, SPO4 Melvin Cayobit at PO3 Johnny Ibanez para patayin ang alkalde.
Naniniwala rin ang DOJ na hindi maisasakatuparan ang pagpatay sa dalawang biktima kung wala ang aktibong partisipasyon nina Senior Inspector Diaz, SPO2 Benjamin Dacallos, PO3 Norman Abellanosa, PO1 Jerlan Cabiyaan, Chief Inspector Calixto Canillas, Senior Inspector Lucrecito Candilosas, SPO2 Antonio Docil, SPO1 Mark Christian Cadilo, PO2 John Ruel Doculan at PO2 Jaime Bacsal.
Sina Diaz, Dacallos, Abellanosa anila ang nagbantay ng outer at inner perimeter ng jail facility.
Samantala inabswelto ng DOJ sa kaso ang limang pulis na sina Senior Inspector Eric. P. Constantino; SPO2 Alphinor M. Serrano, Jr.;PO1 Kristal Jane B. Gisma; PO1 Divine Grace B. Songalia; at PO2 Niel P. Centino.
Walang nakitang ebidensya ang DOJ na kasama sa operasyon ng raiding team sina Constantino, Serrano, Gisma at Dongalia habang si Centino ay AWOL o Absence Without Leave mula pa noong October 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Ulat ni : Moira Encina