Iba’t ibang grupo ng mga magulang na nabiktima ng NPA umapila sa Kamara na imbestigahan na ang Makabayan Bloc

Hinamon ng iba’t ibang grupo ng mga magulang na ang anak ay narecruit ng New People’s Army (NPA) si House Speaker Lord Allan Velasco na maging matapang at ipag-utos ang imbestigasyon sa kaugnayan ng Makabayan Bloc sa Communist Party of the Philippines.

Ayon sa League of Parents of the Philippines, Liga Independencia Pilipinas, Hands Off Our Children at grupong Yakap ng mga Magulang, ang Kamara at hindi ang Senado ang may hurisdiksyon sa Makabayan Bloc kaya naman hinihintay ng publiko ang aksyon ni Velasco sa patuloy na pagtanggi ng Makabayan Bloc na wala silang koneksyon sa CPP-NPA .

Giit ni LPP Chair Remy Rosadio na bago pa man maging tapagtanggol ng Makabayan Bloc si Velasco ay mayroon itong sinumpaang tungkulin sa bayan.

Sinabi din ni Gemma Labsan, Founder ng Hands Off our Children na nakikipag-ugnayan na sila sa ibat ibang Non Governmental Organizations mula sa ibat ibang sektor para kalampagin ang Kamara na umaksyon laban sa Makabayan Bloc.

Nagtataka si Labsan kung bakit sa kabila ng Pangulong Duterte na mismo ang nag ugnay sa mga militanteng kongresista sa makakaliwang grupo ay hindi parin umaksyon si Velasco.

Giit ng grupo, kung patuloy na magbibingi bingihan si Velasco sa mga panawagan laban sa Makabayan Bloc ay hindi matitigil ang recruitment ng NPA sa mga kabataan gamit ang mga front organization nito.

Apila nila kapag nagkaroon na ng imbestigasyon ay buksan ito sa publiko para mamumulat ang mga kabataan sa tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng recruitment ang makakaliwang grupo.

Giit ng mga ito, habang nakapwesto ang Makabayan Bloc ay magagamit nila itong platform para sa kanilang recruitment kaya malaki ang nakaatang na responsibilidad kay Velasco na wakasan ito.

Madz Moratillo

Please follow and like us: