IBP ibinasura ang hirit na free legal assistance ni Peter Advincula na nagpakilalang alyas Bikoy

Tinanggihan ng Integrated Bar of the Philippines ang hirit na libreng legal assistance na hinihingi ng nagpakilalang alyas Bikoy na si Peter Joemel Advincula.

Ayon kay IBP National President Abdiel Dan Elijah Fajardo, ang desisyon na ito ay kasunod ng ebalwasyon na ginawa ng National Center for Legal Aid o NCLA sa aplikasyon ni Advincula.

Anya hindi pagkakalooban ng IBP ng libreng legal na tulong si Advincula dahil sa hindi ito nakapasa sa mga pamantayan ng NCLA.

Pero mananatili anyang confidential ang mga dokumento na isinumite ni Advincula.

Sinabi ng opisyal na nais ni Advincula na humingi ng tulong para kasuhan ang ilang indibidwal na dawit sa illegal drug trade kabilang na ang ilang kandidato sa halalan.

Inihayag ng IBP National na bilang pagtugon sa mandato nito na tulungan ang mga mahihirap at marginalized sa pagkamit ng hustisya ay hindi ito maaring makitang pumapanig o lumalaban sa sinumang kandidato o partido politikal.

Umani ng batikos ang IBP National dahil sa pagpapagamit sa tanggapan nito para sa presscon ni Advincula kahit hindi pa pala nila nasala at nakumpirma ang mga alegasyon nito.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *