Ilang Senador, naniniwalang mababasura lang ang impeachment complaint laban sa Pangulo
Hindi pa man umuusad sa Kamara, naniniwala ang ilang Senador na maibabasura lang ang impeachment complaint laban sa Pangulo.
Ayon kay Senador JV Ejercito, walang siyang nakikitang impeachable offense na nagawa ng Pangulo.
Iba rin aniya ang sitwasyon noong manguna ang Magdalo sa pagpapatalsik laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo dahil nakwestyon noon ang legalidad ng kaniyang pagkakaupo sa pwesto taliwas sa sitwasyon ngayon ni Pangulong Duterte na binigyan ng mandato ng taumbayan.
“Iba ang sitwasyon noong nanguna sa ouster plot laban kay GMA sa sitwasyon ngayon, GMA legitimacy was in question then, while President Duterte was given the mandate by the Filipino people. No compelling reason to file an impeachment complaint against the President at this time. Wala sa tamang panahon ang impeachment complaint na ito”. – Sen. Ejercito
Paalala ni Senador Vicente Sotto, maari lang mapatalsik si Duterte sa mga krimen na ginawa nito sa loob ng kaniyang termino bilang Pangulo.
Bukod dito, ang impeachment ayon kay Senador Richard Gordon ay isang political process na kailangan ang suporta ng mayorya sa mga miyembro ng kongreso.
Sa kamara, kung mapapatunayan aniya na may sapat itong sustansya, mangangailangan ito ng suporta ng one third ng mahigit dalawandaang miyembro ng mababang kapulungan o siyamnaput walo.
Kung maiiaakyat naman ito sa Senado, kailangang suportahan ito ng labing-anim sa dalawamput apat na Senador para tuluyan itong ma convict.
Kwestyonable rin ang timing na isinabay sa maugong na destabilisasyon laban sa administrasyon.
Ang ibang Senador umapela na huwag husgahan ang ginawa ng Magdalo Group.
Sabi ni Senador Panfilo Lacson, mabuting idinaan sa proseso ng Magdalo ang alegasyon laban sa Pangulo sa halip na maglunsad ng kudeta o panibagong Oakwood mutiny.
Apela naman ng Liberal Party, hindi muna dapat husgahan anf grupo ng magdalo
Apela naman ni Senadora Risa Hontiveros, maging patas ang mga kongresista sa paghusga at ibatay ang desisyon sa merito ng kaso.
Ulat ni: Mean Corvera