Isa pang Bilibid inmate, nawawala at posibleng nakatakas din–BuCor

Kinumpirma ng Bureau of Corrections na maliban sa tatlong inmates na tumakas noong Lunes ay may isa pang PDL mula sa New Bilibid Prison ang posibleng nakapuga rin.

Ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, nawawala hanggang ngayon ang preso na kinilala na si Chris Candas Ablas.

Posible aniyang kasama si Ablas sa mga nakatakas noong Lunes.

Si Ablas ay hinatulang guilty ng Valenzuela City RTC sa kasong robbery with homicide na may parusang reclusion perpetua without parole.

Dahil dito, dalawa pang PDLs ang at-large o pinaghahanap ng mga otoridad.

Ang isa ay si Drakilou Falcon na convicted sa mga kasong robbery with homicide at illegal possession of firearms at may pending na mga kaso ng double murder, frustrated murder, attempted murder, at robbery.

Una nang iniulat ng BuCor na napatay ng mga otoridad sa engkuwentro ang dalawa pang escapees na sina Pacifico Adlawan at Arwin Bio.

Sinabi ni Chaclag na naka-lockdown pa rin sa kasalukuyan ang Maximum Security Compound sa Bilibid habang nagpapatuloy ang manhunt operations sa mga tumakas.

Moira Encina

Please follow and like us: