Kanselasyon ng business at tourist visa appointments sa US Embassy, pinalawig hanggang Peb.18

Kanselado pa rin hanggang sa Pebrero 18 ang mga nakaiskedyul na business/ tourist visa interview appointments sa US Embassy.

Sa abiso mula sa embahada, sinabi na ito ay bunsod pa rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Una nang kinansela ang visa appointments hanggang Enero 31.

Maaaring magpa-reschedule ang mga aplikante ng nakanselang visa interview sa oras na magbalik ang business at tourism (B1/B2) visa services.

Ito ay sa pamamagitan ng pagtawag sa call center ng US Embassy o kaya ay sa online appointment system.

Nilinaw din ng US Embassy na walang bayad sa pagbabago ng appointment.

Pinalawig din ang validity ng visa fee payment hanggang September 30, 2023.

Moira Encina

Please follow and like us: