Kaso ng Torre de Manila, naka-agenda sa summer en banc ng SC
Naka-agenda sa unang summer en banc session ngayong taon ng Korte Suprema sa Baguio City ang kaso ng Torre de Manila.
Ang kaso ay kaugnay sa petisyon na inihain ng Knights of Rizal laban sa City of Manila at sa DMIC Homes na developer ng Torre de Manila condominium na binansagang “pambansang photobomber” dahil nakakasagabal ito sa sightline ng Rizal monument sa Luneta Park.
Noong 2015 ay nagdaos na ang Korte Suprema ng anim na oral arguments sa isyu.
May dalawang magkaibang resolusyon ang sinasabing pinapaikot sa mga mahistrado ng Korte Suprema.
Ang isa ay mula sa ponente ng kaso na si Associate Justice Francis Jardeleza habang ang ikalawang draft resolution ay mula sa dissenting opinion ni Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Isinasaad sa isang draft resolution na ibalik ang kaso sa Manila City Hall para sa re-evaluation ng mga lisensya na inisyu sa DMCI dahil sa ang Korte suprema ay hindi naman trier of facts.
Ang ikalawang resolution ay ibinabasura ang petisyon ng Knights of Rizal dahil sa wala namang batas na nagbabawal sa konstruksyon ng Torre de Manila.
Maaring maipagpaliban sa ibang araw ang mismong botohan kung magiging mainit ang deliberasyon.
Una nang hiniling sa Supreme Court ng Office of the Solicitor General na ipagutos nito ang paggiba sa high-rise condominium dahil sa iligal ang konstruksyon nito dahil ang zoning at building permits na nakuha ng DMCI ay labag sa Manila Zoning Ordinance.
Ulat ni: Moira Encina