Mag-asawa, inaresto ng NBI sa Bohol dahil sa iligal na pagbebenta ng LPG

Arestado ng NBI ang mag-asawa sa Sagbayan, Bohol dahil sa pagbebenta ng LPG nang walang permit mula sa pamahalaan.

Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Casiano Oro at Anabel Oro.

Courtesy: NBI

Nakatanggap ng report ang NBI-Bohol District Office na ang dalawa ay sangkot sa iligal na bentahan ng LPG.

Dahil dito, nagsagawa ang NBI ng mga serye ng surveillance operations kung saan nakumpirma na ang mag-asawa ay nag-o-operate ng hindi lisensyadong refilling at retailing ng LPG partikular ng Butane.

Naglabas rin ang Department of Energy-Visayas Field Office ng sertipikasyon na nagsasabing hindi rehistrado sa kanila ang mag-asawa para sa issuance ng standard compliance certificate para sa LPG refilling, retailing, distribution at hauling.

Nadakip ang dalawa sa isang buy-bust operation kung saan ang undercover agent ay bumili ng 300 piraso ng Butane.

Courtesy: NBI

Isinalang na sa inquest proceedings ang mag-asawang Oro sa Tagbilaran City Provincial Prosecutor’s Office kung saan ipinagharap sila ng reklamong illegal trading ng petroleum o petroleum products.

Moira Encina

Please follow and like us: