Maynilad magpapatupad ng Water service interruptions hanggang June 1

Makararanas ng water service interruptions ang mga customer ng Maynilad Water Services Inc. sa siyam na lungsod sa Metro Manila at bahagi ng Bulacan, sa susunod na dalawang linggo habang nire-refill ng kompanya ang kanilang reservoirs dahil sa mataas na demand.

Sa kanilang advisory, sinabi ng Maynilad na ang water service interruptions, na nagsimula kahapon sa bahagi ng Bulacan, Caloocan Makati, Malabon, Manila, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City at Valenzuela ay magpapatuloy hanggang sa June 1.

Ang water service interruptions ay ipatutupad araw-araw mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.

Ayon sa Maynilad, ang service interruptions ay magbibigay sa kanila ng pagkakataon para makapag-refill sa kanilang reservoirs sa gabi bilang paghahanda sa daytime peak demand.

Hinimok naman ng kompanya ang mga apektado nilang customers na mag-ipon ng sapat na tubig na magagamit sa panahon ng interruption.

Paalala naman ng Maynilad, kapag bumalik ang serbisyo ng tubig ay hayaan muna iyong tumulo hanggang sa maging malinaw na muli.

Nakaantabay din anila ang kanilang mobile water tankers at handang magdeliver ng malinis na tubig kung kinakailangan.

Ang Maynilad ang pinakamalaking private water concessionaire sa bansa, na mayroong 1.4 million customers.

Please follow and like us: