Mga pamilya ng Dengvaxia victims, muling nagkilos-protesta sa DOJ


Muling sumugod sa Department of Justice (DOJ) ang mga magulang at pamilya ng ilang Dengvaxia victims, para ipanawagan na buhayin ang kaso laban sa mga nasa likod ng pagbabakuna ng anti-Dengue vaccine sa kanilang mga anak.

Ito ay matapos i-atras ng DOJ ang mga kaso laban kay dating Health Secretary Janette Garin at iba pa.
Iginiit ng mga magulang na ang pagturok ng Dengvaxia sa mga anak nila ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito kaya dapat papanagutin ang mga opisyal na nagsulong nito.

Hindi anila dapat balewalain ng DOJ ang ipinaglalaban nilang kaso dahil nawalan sila ng mga anak.
Ayon kay Virgie Losanga, isa sa mga magulang ng Dengvaxia victims, “Si Garin po ang may kagagawan nito. Huwag niya sabihin na walang siyang kinalaman. Ano po itong larawan, siya po ang puno’t dulo ng Dengvaxia. Huwag niya po sasabihing wala siyang kinalaman. Secretary Remulla pakinggan nyo po ang aming hinaing. Kami po ay nagsusumamo sa inyong tanggapan na bigyang pansin nyo ang aming kahilingan, dahil ang aming ipinaglalaban ay buhay ng aming mga anak na di na magbabalik kailanman. Buhay na sinayang ng Dengvaxia.”

Moira Encina-Cruz