Mga reklamo laban sa ilang KOJC members na humarang sa raid noon ng pulisya sa KOJC compound, isinalang sa pagdinig ng DOJ

Isinailalim sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ), ang mga reklamong obstruction of justice, illegal assembly at resisting to authority na isinampa ng Pambansang Pulisya laban sa ilang opisyal at miyembro ng KOJC na humarang noon sa raid at pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Apollo Quiboloy.

Ayon sa abogado ng KOJC na si Atty. Israelito Torreon, naibasura na ng piskalya sa Davao City ang mga nasabing reklamo pero isinampa muli ng PNP sa DOJ.

Sinabi ni Torreon na legal counsel ng KOJC, “Hindi ko sana duty ngayon to attend when I learned nirefile pala dito, I secure the copies of affidavit so that I can inform KOJC members that the case filed against them were refiled here in DOJ Manila, so we can file the appropriate counter affidavits.”

Aniya, wala pa silang natanggap na abiso ukol sa refiling ng mga reklamo kaya bigo na makapagsumite ng kontra-salaysay ang mga respondent.

Gayunman, balak nila na sa December 16 ihain ang kanilang sagot sa mga reklamo kung saan hihilingin nilang mabasura ang mga ito.

Ayon kay Torreon, “Medyo may miscommunication ata hindi nasilbihan ng subpoena properly ang mga respondent kaya di namin alam, ako nga di ko alam meron pa pala kaso. Pero the aim really is for the dismissal outright of these cases kasi nadismiss na ito sa city prosecution offfice ng Davao.”

Bukod sa mga nasabing reklamo, inumpisahan na rin aniyang dinggin ng DOJ ang reklamo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga pulis na sumalakay noon sa KOJC compound.

Samantala, sinabi ni Torreon na plano nilang i-urong na ang apela nila sa Pasig City RTC na ibalik sa PNP custodial center si Quiboloy na inilipat sa Pasig City Jail.

Aniya, “It turned out na maybe it’s useless to file it kasi gusto talaga ng prosecution doon sya so we just take it as it is. We might be wasting a lot of papers if we insist.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *