Nasaan ang Pangulo?

Nagpalabas ng larawan ni Pangulong Duterte si Senador Bong Go matapos na may maglabas ng “breaking news” na diumano ay na-mild stroke ang Pangulo.

Nagpalabas ng larawan ni Pangulong Duterte si Senador Bong Go bago maghatinggabi kagabi (Abril 7, 2021) matapos na may maglabas ng umanoy “breaking news” mula sa “reliable source” na diumano ay na-mild stroke ang Pangulo kaya kinansela ang kanyang Ulat sa Bayan na nakatakda sanang gawin kagabi.

Sa pamamagitan ng kanyang social media account, sinabi ni Go na, “Sa mga may masasamang hangarin, wag muna kayo mag celebrate!! Nandito lang si Tatay Digong, tambak ang trabaho. Hindi ito ang panahon ng pagsisisihan kundi panahon ng pagtutulungan. Suot ko damit kong dilaw pero DU30 yan!!! Sana tulungan na lang natin ang ating mahal na Pangulo para malagpasan natin ang crisis na ito bilang nagkaka-isang mamayanang Pilipino. Salamat po.”

Nauna nang ipinaliwanag ng senador na kinansela ang “Talk to the People” ng Pangulo dahil maraming miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang nagpositibo sa COVID 19.

Ayon kay Go maayos naman ang lagay ng kalusugan ng Pangulo dahil wala naman siyang direct contact sa mga PSG personnel na positibo sa COVID 19.

Huling nagsagawa ng Talk to the People si Pangulong Duterte noong March 29, 2021.

Please follow and like us: