Malacañang, itinangging may political uncertainties sa bansa.

Kinontra ng Malacañang ang pinalulutang ng ilang kritiko ng administrasyon na posibleng magtaboy sa mga investors ang political uncertainties sa bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na baliktad ang mga pangyayari dahil mas uncertain ang sitwasyon sa bansa noong nakaraang administrasyon.

Ayon kay Andanar dapat ding pagbasehan din kung talagang takot ang mga investors bakit mataas ang Philippine Stock Exchange index sa ilalim ng Duterte administration.

Inihayag din ni Andanar na malakas ang ekonomiya ng bansa at bilang patunay nito ay ang pag-commit ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ng $9-billion investment dahil nagtitiwala ito sa economic situation ng Pilipinas at sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin ni Andanar na posibleng kagagawan lamang ng mga hindi makatanggap na maganda ang ekonomiya ng bansa kaya kung ano-ano ang mga pinalulutang na negatibong balita laban sa administrasyon.

Idinagdag pa ni Andanar na maayos ang peace and order ng bansa kaya nakakadagdag ito sa tiwala ng mga investors sa bansa.

Nilinaw din ni Andanar na wala naman talagang political uncertainty sa bansa dahil sumusunod naman ang mga tao sa batas at tiwala pa rin sa liderato ni Pangulong Duterte habang nabibigyan din ng kalayaan na maghayag ng saloobin ang oposisyon.

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *