Pamilya Cayetano , nakipagkita kay Pangulong Duterte sa malacañang

Personal na nakipagkita kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang ang pamilya Cayetano.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kasama ni Speaker Alan Peter Cayetano sa pakikipagkita sa Pangulo ang kanyang asawa na si Congresswoman Lanie Cayetano at kapatid na si Senadora Pia Cayetano.

Ayon kay Roque maituturing na tapos na ang papel ni Pangulong Duterte sa isyu ng term sharing sa speakership sa pagitan nina Speaker Cayetano at Marinduque Congressman Lourd Allan Velasco.

Inihayag ni Roque na iginagalang ng Pangulo ang resulta ng naging botohan sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagbabasura sa resignation ni Speaker Cayetano.

Iginiit ni Roque na ang mahalaga kay Pangulong Duterte sa  ngayon ay huwag mabalam ang pagpapatibay ng 2021 proposed national budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso.

Niliwanag ni Roque nakapaloob sa 2021 national budget ang pondo na gagastusin sa patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa pandemya ng covid 19 sa bansa.

Vic Somintac

Please follow and like us: