Pang. Duterte kontento sa paghahanda ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan sa pagbabakasyon ngayong holiday
Kuntento si Pangulong Duterte sa ginawang paghahanda ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kaugnay ng pagbabakasyon ngayong Semana Santa ng mga katoliko.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na katunayan nito itinuloy ng Pangulo ang kanyang biyahe sa mga Saudi Arabia, Bahrain at Qatar.
Ayon kay Abella nakalatag na ang Oplan Biyaheng Ayos Semana Santa 2017 para alalayan ang mga bakasyunista sa kanilang gagawing paglalakbay patungo sa ibat-ibang probinsiya.
Inihayag ni Abella nasa heightened alert ang lahat ng security personnel ng pamahalaan para tiyakin ang kaligtasan ng mga bakasyunista na gagamit sa mga airport, pantalan at ibat-ibang transport hubs at terminals.
Naglagay na rin ng karagdagang tauhan sa Ninoy Aquino International Airport para punan ang operasyon ng Bureau of Immigration na nahaharap sa problema dulot ng pag-alis ng mga Immigration Officers.
Nakapag-isyu narin ng karagdagang permits ang LTFRB para hindi magkulang ang mga bus papauwi sa mga probinsiya.
Ang Toll Regulatory Board ay nagdagdag narin ng mga toll booth para mapabilis ang entry at exit ng mga motorista sa mga expressway.
Mahigpit din na ipapatupad ng MARINA ang no overloading policy sa mga barko para maiwasan ang anumang sakuna sa karagatan.
Ulat ni: Vic Somintac