Prince Harry at Meghan Markle, magkakaroon na ng pangalawang anak

LONDON, United Kingdom (AFP)- Inanunsyo ng tagapagsalita ni Prince Harry ng Britanya at misis nitong si Meghan Markle, na masusundan na ang kanilang panganay.

Ang mag-asawa ay nagpalabas ng isang black and white picture nilang dalawa na nasa ilalim ng isang puno, kung saan makikita sa 39-anyos na si Markle ang senyales na ito ay buntis.

Si Meghan at ang 36-anyos na si Harry, isa sa mga apo ni Queen Elizabeth II ay naninirahan na ngayon sa California sa Estados Unidos, matapos bitawan ang kanilang royal duties noong Marso ng nakalipas na taon.

Ang anunsyo ng Duke at Duchess of Sussex tungkol sa pangalawa nilang anak ay ginawa ilang araw matapos magsilang ng isang lalaking sanggol si Princess Eugenie, na apo ni Queen Elizabeth II.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng Buckingham Palace, na masaya ang reyna, ang mister nitong si Prince Philip, Duke of Edinburgh, ang Prince of Wales na si Prince Charles at ang buong Royal family sa naturang balita.

© Agence France-Presse

Please follow and like us: