Ret. Chief Justice Lucas Bersamin inirekomenda si COA Chair Michael Aguinaldo sa mababakanteng SC post

Inendorso ni retired Chief Justice Lucas Bersamin si Commission on Audit (COA) Chairperson Michael Aguinaldo para sa mababakanteng associate justice post sa Korte Suprema.

Una nang binuksan ng Judicial and Bar Council noong Setyembre ang nominasyon at aplikasyon para sa babakantehing posisyon ni Justice Rosmari Carandang na magreretiro sa Enero ng susunod na taon.

Sa dalawang-pahinang liham ni Bersamin kay JBC Chair at Chief Justice Alexander Gesmundo, sinabi nito na “fully qualified” si Aguinaldo para maging mahistrado sa Supreme Court.

Ayon kay Bersamin, ang matagal at malawak na karanasan ni Aguinaldo sa pampubliko at pribadong sektor ay nagpapatunay ng kakayanan, integridad, probity, at independence nito.

Bago naitalaga bilang COA chair noong 2015, si Aguinaldo ay hinirang na Deputy Executive Secretary for Legal Affairs sa Office of the President noong 2011.

Nagturo rin ng abogasya si Aguinaldo sa iba’t ibang law schools mula 1994 hanggang 2011.

Nagtapos ng abogasya si Aguinaldo sa Ateneo De Manila School of Law at ika-pito sa 1992 Bar Examinations.

Magtatapos ang termino ni Aguinaldo bilang hepe ng COA sa Pebrero 2022.

Moira Encina

Please follow and like us: