San Jose, Nueva Ecija Hall of Justice sarado hanggang October 2 matapos magpositibo sa Covid ang isang court personnel at makaranas ng sintomas ang iba pang kawani

Pisikal na sarado ang San Jose, Nueva Ecija Hall of Justice matapos magpositibo sa Covid-19 ang isang court personnel at makaranas ng sintomas ng sakit ang ilan pang empleyado.

Sa memorandum ni Executive Judge Leo Cecilio Bautista, sinabi na sarado mula sa September 21 hanggang sa October 2, 2020 ang Hall of Justice.

Inatasan din ang mga kawani na mag-work from home muna at gawing online ang lahat ng transaksyon sa korte kung maaari.

Ipinagutos din sa lahat ng mga empleyado na kaagad iulat sa kanilang mga hepe kung mayroon silang sintomas ng coronavirus.

Nabatid na nagpositibo sa Covid ang isang tauhan ng RTC Branch 39 at may pumanaw na staff ng MTCC Branch 1 dahil sa Covid.

Bukod dito, may ilan ding kawani ng Hall of Justice na nakararanas ng sintomas ng sakit gaya ng lagnat at ubo.

Moira Encina

Please follow and like us: