Vaccine Czar Carlito Galvez kasama ang pamilya, handang unang sumalang sa anti-Covid vaccine

Tiniyak ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na handa siyang unang sumalang kasama ang kanyang pamilya para magpabakuna sa sandaling dumating na sa bansa ang anti COVID 19 vaccine.

Sinabi ni Secretary Galvez na gusto niyang patunayan sa sambayanang pilipino na ligtas ang bibilhing bakuna ng pamahalaan laban sa COVID 19.

Ayon kay Galvez isa sa pangunahing problema na kinakaharap ng national vaccination program ng pamahalaan ay ang kawalan ng tiwala ng publiko sa anti COVID 19 vaccine dahil narin sa mga ibat-ibang negatibong balita na ipinapakalat ng mga kontra at nagdududa sa inimbentong bakuna para matapos na ang Coronavirus Pandemic.

Inihayag ni Galvez dapat pagtiwalaan ng publiko ang mga vaccine expert ng bansa na siyang nagsasagawa ng pagsusuri sa efficacy ng bibilhing anti COVID 19 vaccine.

Nais ni Galvez na bago dumating ang mga bibilhing anti COVID 19 vaccine ay makapagsagawa ang pamahalaan ng massive information campaign upang mabuksan ang isipan ng mga taong nagdududa sa bisa ng bakuna para hindi masayang ang pera at layunin ng vaccination program ng gobyerno.

Vic Somintac

Please follow and like us: