VP Sara Duterte hindi na nagulat nang sampahan ng NBI ng mga reklamo sa DOJ

“As expected.”
Ito ang naging tugon ni Vice President Sara Duterte, na hindi na ikinagulat ang rekomendasyon ng NBI na ireklamo siya dahil inaasahan na niya ito.

Samantala, tuluyan nang sinampahan ng mga reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ), si VP Sara dahil sa sinasabing pagbabanta sa buhay nina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta- Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, unanimous ang rekomendasyon ng nag-imbestigang NBI team na ipagharap ng mga reklamong inciting to sedition at grave threats ang pangalawang- pangulo.

Sinabi ni Santiago, “Limang abogado plus ako tinimbang naming lahat, finally iisa ang naging findings namin desisyon namin na magfile against the vice president.”
Nag-ugat aniya ito sa pahayag ni Duterte sa isang Zoom press conference, na may kinausap siyang tao para patayin ang pangulo, first lady, at house speaker sakaling mamatay siya.
Ani Santiago, “Yung pagkakathreaten nya sa pangulo na-incite yung kaniyang followers, yung ibang mga tao na parang gusto na nilang mag-alsa. Pero yung threat nya nalathala naman sinabi nya, no joke, no joke, dalawang beses pa so we take that seriously.”
Ipauubaya naman ni Santiago sa DOJ ang pagkilatis sa mga reklamo at kung isasailalim ito sa preliminary investigation.
Pero tiwala si Santiago na may sapat silang mga ebidensya para suportahan ang mga reklamo laban kay Duterte.
Tiniyak pa ng NBI chief na patas ang isinagawa nilang imbestigasyon at walang halong pulitika, dahil ibinatay lamang nila ito sa naging pagkilatis sa mga ebidensya.
Aniya, “Gusto ko ito, yung manatiling pinagkakatiwalaan ng tao na kami ay apolitical, straightforward. Wala sa aming nagutos wala aming nagdikta kung ano ang dapat gawin sa kaso.”
Kinumpirma naman ni DOJ Spokesperson Mico Clavano, na natanggap na ng National Prosecution Service ng DOJ ang reklamo ng NBI laban sa bise-presidente.
Sinabi ni Clavano na dadaan sa ebalwasyon at preliminary investigation ng mga piskal ang reklamo para madetermina kung may sapat na mga ebidensya para ito iakyat sa korte at makakuha ng conviction o kung dapat ba itong ibasura na lang
Aniya, “With the filing of the complaint, the case will now undergo evaluation and preliminary investigation before the NPS. Under DOJ Department Circular No. 20, the investigating prosecutors must determine whether based on the evidence, there is a prima facie case with reasonable certainty of conviction. A prima facie case is established by such evidence which if left uncontroverted, shall be sufficient to establish all the elements of the crime.”
Sa pagdinig ay bibigyan aniya ng pagkakataon si Duterte para sagutin ang reklamo at rerebyuhin ang mga ebidensya ng magkabilang panig.
Sabi pa ni Clavano, “The process will undergo case build up as needed to assure that there is sufficient evidence and that the respondent is not unduly haled to court. This process involves requiring the respondent to submit a counter-affidavit, reviewing the evidence from both parties, and assessing whether the case meets the higher threshold of evidence for filing in court, or whether the case should be dismissed for lack of evidence.”
Una nang itinanggi ng bise-presidente na pinagbantaan niya ang first couple at ang house speaker.
Nilinaw naman ni Senate President Chiz Escudero, na walang magiging epekto sa impeachment trial ng Senado ang reklamo ng NBI laban kay VP Sara dahil hiwalay ito na kaso.
Ayon kay Escudero, “No. Walang epekto yun sa napipintong impeachment proceedings, walang bearing yun at walang kinalaman yun dun.”
Moira Encina-Cruz