Youth group na konektado sa komunista, nasa likod ng ‘kill plot’ vs Marcos– BBM spox

Lumalabas na youth-oriented group na konektado sa mga komunista ang nasa likod ng sinasabing planong pagpatay kay presidential aspirant Bongbong Marcos.

Ito ang inihayag ng tagapagsalita at chief of staff ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez sa panayam ng programang ASPN.

Ayon kay Rodriguez, base ang impormasyon sa paunang feedback ng mga otoridad na nagiimbestiga sa isyu.

Tahasang sinabi rin ni Rodriguez na pagsira na sa demokrasya ang ginagawa ng mga ayaw kay Marcos dahil tila pati ang pagpatay ay nasa plano ng mga ito.

Aniya hindi nila binabalewala ang mga pagbabanta sa buhay ni BBM kaya may mga pagiingat na ginagawa ang kanilang kampo.

Pero, desidido aniya si Marcos na huwag baguhin ang istilo ng pangangampanya nito na personal na makisalimuha sa mga tagasuporta at botante.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng DOJ ang resulta ng inisyal na imbestigasyon ng NBI sa sinasabing assassination plot na nadiskubre ng Office of Cybercrime sa TikTok.

Naka-banned na sa nasabing app ang account user na nagpost ng mensahe ukol sa pinaplanong pag-assassinate kay Marcos.

Moira Encina

Please follow and like us: