MRT at LRT magkakaloob ng libreng sakay sa Araw ng Kalayaan

Courtesy of Wikipedia.org

Magbibigay ng libreng sakay ang Metro Rail Transit (MRT) at ang Light Rail Transit (LRT) sa June 12, 2017, para sa paggunita sa ika-119 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Sa abiso ng National Historical Commission of the Philippines sa Lunes, June 12, magbibigay ng libreng sakay ang MRT at LRT mula 7:00 hanggang 9:00 ng umaga at mula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.

Ito ay para mabigyang pagkakataon ang publiko na makalahok sa mga aktibidad para sa Araw ng Kalayaan na karamihan ay gaganapin sa Rizal Park.

Kabilang sa mga aktibidad sa Lunes ang job fair ng Department of Labor and Employment na gaganapin sa Senior Citizen’s Garden sa Rizal Park.

Medical, dental at optical service naman ang kaloob ng Department of Health, MMDA at Manila City Government na gaganapin  sa Burnham Green sa nasabi ring parke.

Magkakaron naman ng sabayang flag raising at wreath-laying sa umaga kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte ang inimbitahan bilang panauhing pandangal sa Rizal National Monument; si Senator Panfilo Lacson naman sa Kawit, Cavite; si Senator Loren Legarda sa Malolos City; si Senator Sonny Angara sa San Juan City; si PVAO Administrator Ret. Lt. Gen, Ernesto Carolina sa Manila North Cemetery; si Justice Mariano Del Castillo sa Bonifacio Monument sa Caloocan at si Department of Education Sec. Leonor Briones sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa NHCP ang selebrasyon para sa taong ito ay may temang “Kalayaan 2017: Pagbabagong Sama Samang Balikatin”.

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *