Hindi na kwalipikado sa 2025 midterm elections sina ACT party-list Representative France Castro at dating Bayan Muna party-list Representative Satur Ocampo.
Opinyon ito ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano kasunod ng guilty verdict na hatol ng Tagum City Regional Trial Court noong Lunes laban kina Castro at Ocampo, at 11 iba pa, dahil sa kasong Child Abuse and Exploitation.
Sa pulong-balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, isiniwalat ni Clavano na malinaw ang nakasaad sa Omnibus Election Code laban sa sinumang nahatulan ng korte.
Nakasaad sa batas na sinuman ang nahatulan sa anumang uri ng kaso ay diskwalipikado ng humawak ng alinmang posisyon sa pamahalaan lalo na kung ang kaso ay may kinalaman sa tinatawag na “morale turpitude.”
Sa usapin naman ng piyansa, sinabi ni Clavano na malaki ang posibilidad na hindi pagbigyan ang hirit ni Castro dahil na rin sa malakas ang ebidensya na nagdidiin sa kanya rito.
Nag-ugat ang kaso sa iligal na pagtangay ng mga akusado sa mga menor de edad sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018 para isailalim sa indoktrinasyon sa kilusang komunista subalit pinalabas na isang rescue mission ayon sa Armed Forces of the Philippines.




