52-anyos na pulis na nakatalaga sa Zamboanga city, ika-66 Covid-19 fatality ng PNP

193124247_5652545688119974_4762590531408699275_n

Malungkot na inanunsiyo ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na isang Police captain na nakatalaga sa Zamboanga city ang pinakahuling namatay sa Pambansang Pulisya dahil sa Covid-19.

Ayon sa PNP Chief, ang 52-anyos na pulis ay nagpositibo sa virus noong May 2 at kaagad siyang dinala sa pagamutan.

May 18, inilipat ang pasyente sa ICU dahil sa hirap sa paghinga at isinailalim sa intubation.

Ngunit namatay din kahapon, May 30, alas-5:22 ng umaga.

Patuloy naman ang paalala ni Eleazar sa mga pulis na doblehin ang pag-iingat hindi lamang para sa kanilang sarili kundi pati na rin sa kanilang pamilya.

Hindi rin aniya dapat magdalawang-isip na magpa-check-up at kaagad na magtungo sa pinakamalapit na clinic kung mayroong naramdamang sintomas ng Covid-19.

Sa pinakahuling datos ng PNP Health service ngayong May 31, nakapagtala ang PNP ng 116 bagong mga kaso kaya pumalo na sa 23,983 ang kabuuang kaso ng Covid-19.

May naitala ring 73 personnel na gumaling sa karamdaman kaya pumalo na sa 22,067 ang recovered cases.