DBM naglabas ng P1.1B rice assistance para sa government workers
Nagpalabas na ng mahigit sa isang bilyong piso ang Department of Budget and Management (DBM) para sa one-time rice assistance sa mga empleyado ng gobyerno.
Batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman nitong April 12, 2023, ang special allotment release order (SARO) at kaukulang notice of cash allocation (NCA) para sa rice assistance sa mga kwalipikadong empleyado at manggagawa sa mga ahensya ng pamahalaan.
“We shall ensure the welfare of our government workers by giving them assistance for their household needs and, at the same time, boosting the production of our rice farmers,” paliwanag ng kalihim.
Makikinabang sa rice assistance ang 1,892,648 na government workers, kabilang ang job order (JO) at contract of service (COS) personnel.
Una rito, nilagdaan ng Pangulo ang Administrative Order no. 2, na nagpapahintulot sa pagbibigay ng one-time rice assistance na 25-kilo ng bigas sa lahat ng mga kwalipikadong manggagawa/empleyado ng gobyerno.
Tanging ang mga nasa serbisyo mula November 30, 2022 ang magbebenepisyo ng naturang programa.
Eden Santos