Pilipinas walang planong manghimasok sa isyu ng Taiwan – NSA
Walang intensyon ang Pilipinas na manghimasok sa panloob na usapin sa pagitan ng People’s Republic of China (PROC) at Taiwan.
Ginawa ni National Security Adviser Eduardo Año ang pagliliwanag sa ginawang courtesy call ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa National Security Council (NSC) noong nakaraang Miyerkules, April 12.
Sa nasabing pagpupulong, tiniyak ni Año sa Chinese envoy na walang intensyon ang Pilipinas na panghimasukan ang usapin ng Taiwan, at hindi pahihintulutan na magamit ng ibang bansa ang Pilipinas sa kanilang pakikialam sa isyu.
Personal na ipinarating ni Año kay Ambassador Huang na ang dagdag na security cooperation sa Estados Unidos ay sa pagsusulong ng pambansang interes at naghahangad na isulong ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Dagdag pa ng kalihim na ang mga bagong lugar na tinukoy para sa implementasyon ng Enhanced Defense and Cooperation Agreement (EDCA) ay hindi naglalayong pigilan o labanan ang alinmang bansa sa rehiyon kundi para palakasin at paunlarin ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Weng dela Fuente