OFW’s at mahihirap tiyak na tatamaan ng isinusulong na pagtatanggal ng VAT ng gobyerno
Magiging panibagong pabigat sa mga mahihirap at marami ang mawawalan ng trabaho kapag inaprubahan ang panukalang tax reform for acceleration and inclusion ng gobyerno.
Ito ang ibinabala ng mga Senador kapag inaprubahan ng Senado ang House Bill 5636 na pinal nang pinagtibay ng Kamara.
Sa panukalang batas tatanggalin na ang VAT exemptions sa mga socialized, mga low cost housing at mga residential lots o house and lot na nagkakahalaga ng 1.9 hanggang tatlong milyong piso.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, tiniyak ni Senador Cynthia Villar na haharangin niya ang panukala dahil pangunahing tatamaan ang mga Overseas Filipino Worker.
Paliwanag ng Senador, ang mga OFW’s at mahihirap na mamamayan ang bumibili ng socialized housing o murang pabahay.
Babala naman ni Senador JV Ejercito, Chairman ng Senate Committee on Urban Planning , Housing and Resettlement, lalong tataas ang backlog sa housing ng gobyerno kapag inaprubahan ng Kongreso ang panukala.
Sa kasalukuyan, aabot aniya sa kabuuang 1.4 million ang immediate housing backlog na tataas pa ng 5.5 million pagpasok ng 2022.
Ulat ni: Mean Corvera