Andy Murray, bigo sa first round ng ATP indoor tournament

Nabigo ang dating world number one na si Andy Murray sa first round ng indoor ATP tournament sa Cologne, Germany matapos niyang matalo sa straight set kay Fernando Verdasco ng Espanya.

Si Verdasco ay nagwagi sa score na 6-4, 6-4 laban sa taga Britanyang si Murray.

Ito ay ika-apat na torneo pa lamang na nilahukan ni Murray ngayong taon, matapos mahinto sa paglalaro bunga ng injury na naging sanhi upang sumailalim sya sa hip surgery, at naging dahilan din upang bumagsak ang kaniyang ranking sa 115.

Ikatlong sunod na pagkatalo na ito ni Murray laban sa 62nd ranked na si Verdasco.

Noong 2018 ay dalawang ulit na tinalo ni Verdasco si Murray. Una ay sa Shenzhen tournament at sumunod ay sa US Open.

Umaasa naman si Murray na magagamit niya ang back-to-back tournaments sa Cologne para makabawi, sa susunod na linggo.

Samantala, makakaharap naman ni Verdasco sa second round, si Alexander Zverev ng Germany.

© Agence France-Presse

Please follow and like us: