BREAKING: Driver ng SUV at suspek sa Megamall hit-and-run na si Jose Antonio San Vicente, sumuko na sa PNP

Dahil sa inilabas na babala ni PNP Officer in charge Police Lt. General Vicente Danao  napilitan nang lumabas sa publiko ang suspek na si Jose Antonio San Vicente Jr ang driver ng SUV na sumagasa ng isang security guard sa Mandaluyong city.

Personal siyang sumuko kay General Danao kasama ang kanyang mga magulang at kanilang abogado sa Kampo Krame.

Humingi naman ng tawad si San vicente sa biktima na si Christian Joseph Floralde.

Giit niya, nablanko at nataranta lang siya kaya hindi na niya nagawang hintuan ang biktima.

Handa naman daw silang sagutin ang lahat ng gastusin ng biktima at tutulong din sila sa pamilya nito.

Haharapin din daw nila ang mga kaso na isinampa sa kanila sa Korte kabilang ang frustrated murder.

Nang tanungin naman kung bakit natagal siya bago sumuko agad na dumipensa ang kanyang ama at sinabing  natakot at naguguluhan sila matapos ang insidente kaya natagalan ang kanilang paglutang .

Dahil sa pagsuko ng suspek itinuturing ng PNP na case solved na ang insidente.

Nakatakdang kunan ng affidavit ng PNP ang suspek, pero hindi pa raw ito pwedeng ikulong dahil wala pang warrant of arrest.

Kasama ring isinuko ni San vicente ang kanyang SUV na ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Highway Patrol Group.

Matapos makuhanan ng affidavit malaya ring nakauwi ang suspek at hihintayin na lang nakatakdang preliminary investigation sa piskal para magbigay ng kanilang panig sa kaso.

Mar Gabriel

Please follow and like us: