Code Red alert itinaas na ng DOH sa mga apektadong lugar; 26.5 milyong halaga ng gamot at iba pang medical supplies naka-preposition na
Itinaas na ng Department of Health (DOH) sa code Red Alert ang lahat ng rehiyon na apektado ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, inalerto na rin lahat ng mga ospital sa mga rehiyon na apektado ng bagyo na manatiling nakamonitor, ihanda ang kanilang generator sets at tiyaking may sapat na critical life-saving equipment na magagamit sa emergency situations.
Ipinag-utos na rin ng kalihim ang pag-activate ng emergency operation centers sa Ilocos Region, Cagayan Valley Region, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA at Bicol Region.
Nakahanda na rin aniya sakaling kailanganing ideploy ang Health Emergency Response Teams.
May 26.5 milyong halaga ng mga gamot, iba pang medical supplies, health kits, kasama ang personal protective equipment at iba pang COVID-19 supplies ang nakapreposition na bilang paghahanda sa bagyo.
May 21.7 milyong pisong halaga ng commodities ang nakahanda na sa DOH Central office warehouse at handang ipamahagi sa sakaling kulangin ang kanilang mga naihandang supply.
Samantala, Dahil naman sa inaasahang magiging epekto ng bagyong Rolly.
Sinabi ni Duque na ang mga COVID-19 patients at health workers na nasa Temporary Treatment and Monitoring Facilities ay inilikas na para na rin sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Duque ang mga pasyente at staff na nasa Mega Temporary Treatment and Monitoring Facilities gaya ng Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Coliseum, Filinvest Temporary Treatment and Monitoring Facilities, at Philippine Arena ay inilipat muna sa iba’t ibang hotel isolation facilities sa National Capital Region.
Ang mga temporary treatment facilities naman sa Albay ay inilikas muna sa Day Care Centers, Public schools, at Evacuation centers.
Kaugnay nito umapila naman si Duque sa publiko na tiyaking masusunod parin ang minimum public health standards para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 lalo na sa mga evacuation centers.
Pinag-iingat rin ng kalihim ang publiko laban sa water borne diseases gaya ng Leptospirosis.
Madz Moratillo