COVID-19 vaccination on wheels, umarangkada na sa Bataan

“Pupuntahan kahit saan para kayo ay mabakunahan.” Ito ang naging tema sa pag-arangkada ng Vax on Wheels mobile vaccination station sa bayan ng Hermosa sa Bataan.

Pinangunahan ito nina Bataan Gov. Abet Garcia, Hermosa Mayor Jopet Inton at PHO Chief Dr. Rosanna Buccahan.

Sa Vax on Wheels ay nabakunahan ang mahigit sa 300 residente ng Brgy. Bamban, isang barangay na malayo sa sentro ng vaccination site at nagsilbing pilot barangay para sa nasabing proyekto.

Sinabi ni Gov. Garcia, na layon nitong ilapit ang libreng bakuna sa mga maysakit at hindi na kayang magbiyahe, at maging sa mga nakatira sa malalayong lugar.

Siniguro rin ng opisyal na madaragdagan pa ang vaccination on wheels para sa mas higit na nangangailangan.

Sa ulat naman ng Provincial Health Office, nito lamang Agosto 17, 2021 ay umabot na sa 120, 135 ang nakakumpleto o fully vaccinated na, habang 169,505 naman ang nabigyan na ng 1st dose mula sa 24 na vaccination site sa buong lalawigan.

Larry Biscocho

Please follow and like us: