Detalye ng kasunduan sa mga Pharmaceutical companies, isasapubliko rin ng IATF

Nangako si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na isasapubliko ang detalye ng kontrata sa pagbili ng bakuna laban sa Covid-19 sa tamang panahon.

Ito ang tiniyak ni Galvez sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee of the Whole kaugnay ng Vaccination program ng gobyerno.

Ayon kay Galvez, kasama sa ilalantad nila ang eksaktong presyo at iba pang detalye ng biniling bakuna.

Naiintindihan niya aniya na trabaho ng Senado na busisiin ang kontrata sa ngalan ng transparency at Right to Information ng publiko pero umapila ang kalihim na ayaw nilang lumabag sa Terms of Agreement.

On-going pa umano kasi ang negosasyon at nagbabago pa ng presyo depende sa kumpanya at obligado silang sumunod sa kontrata para makakuha ng suplay ng bakuna.

Inulit ni Galvez ang kaniyang unang pahayag na above board ang kontrata at wala itong bahid ng korapsyon batay sa guidelines na ibinigay ng Pangulo.

Meanne Corvera