DOJ paiimbestigahan sa NBI ang phishing scam sa Landbank accounts ng ilang guro

Maglalabas ng hiwalay na direktiba si Justice Secretary Menardo Guevarra para imbestigahan ng NBI ang phishing ng Landbank accounts ng ilang guro.

Ayon kay Guevarra, nag-iimbestiga na ang NBI nang malawakan sa mga insidente ng phishing ng bank accounts sa bansa.

Pero, ipaguutos niya ng hiwalay sa NBI ang pagsisiyasat sa napaulat na phishing scam kung saan ang nabiktima ay mga guro.

Ilang guro ang napaulat na nawalan ng pera sa kanilang Landbank accounts at nailipat ito sa ibang bangko o e-wallets.

Una nang sinabi ng Landbank na hindi na-hack ang kanilang sistema.

Sa inisyal na imbestigasyon ng bangko, nakompromiso ang personal at banking information ng mga guro sa pamamagitan ng phishing kung saan nagpanggap na kinatawan ng bangko ang mga hackers upang mapasok ang accounts ng mga biktima.

Moira Encina

Please follow and like us: