DOT at small business corporation, hinimok na tulungan ang tourism business sector
Hinimok ni Senador Sonny Angara ang Department of Tourism at Small Business Corporation na paigtingin ang pag-aalok ng tulong sa mga negosyong may kinalaman sa turismo.
Ito’y para mabilis na makarekober ang sektor ng turismo na isa sa matinding hinagupit ng pandemya.
Sinabi ni Angara na Chairman ng Senate Finance Committee na maaring mag- alok ng puhunan ang SB Corp. at pabilisin ang loan application sa mga tourism operators para mabilis na makabalik sa kanilang normal operations ngayong nasa Alert level 1 na ang mayorya ng lugar sa Pilipinas.
Maari aniyang gamitin ang natitirang pondo ng SB Corp. mula sa Bayanihan law.
Sa datos may P4 billion ang naturang tanggapan para sa low interest loans sa tourism sector kung saan nasa P278 million pa lang ng pautang ang naaprubahan.
May malaki pa aniyang natitirang pondo dahil kakaunti pa lang ang nagloan dahil sa pagbagsak ng turismo dahil sa mga pabago bagong community quarantine.
Pero dahil niluwagan na ng Inter Agency Task Force o IATF ang pagpasok ng mga foreign tourists inaasahan na ang pagpasok ng mas maraming turista sa bansa.
Meanne Corvera