Keith Absalon at pinsan nitong si Noven, nagtamo ng tama ng baril bago ang pagsabog ng landmine, batay sa autopsy result ng Masbate CHO

Inilabas na ng Masbate City Health Office ang resulta ng autopsy na isinagawa kay Far Eastern University Football player Keith Absalon at pinsan nitong si Noven.

Sa autopsy result, sinabing nagtamo ng tama ng baril sa kanang mata si Keith habang may tama rin ng baril si Noven sa kanang balikat at kaliwang hita nito.

Ayon pa sa autopsy, namatay ang dalawa sa hemorrhagic shock kasunod ng pamamaril at pagsabog ng landmine.

Ang autopsy result ay lumabas ilang araw matapos ang madugong landmine blast na itinanim ng New People’s Army sa Purok 4, Barangay Unas, Masbate City.

Matatandaang kasama ni Keith si Noven at pamangkin nitong 16-anyos na si Crisbin nang maganap ang pagsabog noong June 6.

Patay ang magpinsan habang sugatan naman si Crisbin.

June 8 inako ng CPP-NPA ang pagsabog at nag-isyu ng public apology dahil sa anila’y “errors in military action mounted by an NPA unit” at nag-alok ng bayad-pinsala sa pamilya ng mga bitkima.

Ngunit hindi ito tinanggap ng pamilya Absalon bagkus ay pinapanagot ang mga ito sa krimen at pinatitigil na ang rebeldeng-komunista sa mga pag-atake kung saan marami nang nadadamay na mga inosenteng sibilyan.

Please follow and like us: