Mas maraming mambabatas, dapat personal nang makadalo sa mga pagdinig ng Kamara- Rep. Atienza

Dapat na umanong payagan ni House Speaker Alan Peter Cayetano na mas maraming myembro ng kamara ang makadalo ng personal sa mga sesyon at debate sa plenaryo lalo na sa mga mahahalagang panukala gaya ng 2021 Proposed National Budget.

Giit ni Buhay Party-list Representative Lito Atienza, pitong buwan na ang pandemya pero wala paring naipatutupad na protocol ang liderato ng Kamara para sa unti-unting pagbubukas ng kongreso sa mas maraming mambabatas.

Mistulang ginagamit aniya ng liderato ng Kamara ang pandemya para maitsa-pwera ang mayorya ng mga mambabatas.

Giit ni Atienza, 25 lamang ang senior citizens sa 304 House members at mayorya ay hindi rin pinapupunta sa Kamara kaya napipilitang sa pamamagitan lamang ng video conferencing dumalo sa mga hearing na depende pa sa Speaker kung papayagang makapagparticipate.

Mula aniya noong Marso ay halos pare-pareho lamang ang mga nakadadalo ng personal sa mga Committee hearings at Plenary sessions sa Kongreso.

Samantala, isiniwalat naman ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves na maliban sa P10-billion na halaga ng government infrastructure projects para sa taong ito ay nakakuha rin ng karagdagang P11 Bilyon pondo para sa public works ang distrito nina Cayetano at misis nito na si Taguig-Pateros Representative Lani Cayetano.

Giit ni Teves, bakit nakakuha ng malaking pondo para sa public works ang distrito ng mag-asawang Cayetano gayong maliit lamang ang populasyon nito o 6% lang ng populasyon ng Metro Manila.

Nagtataka rin si Teves kung bakit mas malaki ang alokasyon sa dalawang distrito na ito kumpara sa ibang mga distrito sa ibang mga rehiyon sa bansa.

Inihalimbawa nito ang Region 4A o CALABARZON na pinakalamaki sa lahat ng rehiyon maliban sa NCR pero P7.26 Bilyon lang ang inilaan na kabuuang pondo.

Madz Moratillo

Please follow and like us: