May- ari ng SUV na sumagasa sa isang security guard, sinampahan ng kasong Frustrated murder

Sinampahan na ng kasong Frustrated murder ng Mandaluyong City Police ang may-ari ng SUV na sumagasa sa security guard na si Christian Joseph Floralde.

Bukod sa Frustrated murder nahaharap din ang suspek na si Jose Antonio Valmonte San Vicente sa kasong paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code o ang Abandonment of one’s own victim.

Ayon kay PNP Spokesperson Police colonel Jean Fajardo lumutang sa presinto ang dalawang nagpakilalang abogado ng suspek para humingi ng kopya ng inihaing reklamo.

Nilinaw din daw ng mga ito na ang anak ng kanilang kliyente na si Jose Antonio San Vicente Jr., ang nagmamaneho ng sasakyan ng mangyari ang insidente.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng pnp ang pagsasampa ng kasong obstruction of justice laban sa mga security guard ng ayala heights subdivision dahil sa pagtanggi ng mga ito na papasukin ang mga imbestigador matapos nilang nakumpirma na doon nakatira ang suspek.

Tiniyak naman ng PNP na wala silang sisinuhin sa kasong ito sa harap na rin ng lumulutang na impormasyon na may koneksyon umano ang suspek sa kanilang mga dating matataas na opisyal.

Mar Gabriel

Please follow and like us: