Mga naitalang insidente ng karahasan sa panahon ng eleksyon, umabot na sa 58

Dalawang linggo bago ang eleksyon, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga naitatatalang insidente ng karahasan.
Base sa pinakahuling datos ng Philippine National Police (PNP), nakapagtala na sila ng 58 insidente kung saan 30 dito ang nakumpirma o validated election-related incident, 20 naman ang non-election related habang 8 ang suspected o patuloy pang iniimbestigahan.
Gayunman, sinabi ni PNP public information office Chief Col. Randulf Tuaño, na mas mababa pa rin ito kumpara sa mga naitalang insidente sa mga nakalipas na eleksyon

Sa harap nito, nagbabala ang PNP sa kanilang mga commander na paigtingin pa ang seguridad sa kanilang mga nasasakupan kung ayaw nilang masibak sa kanilang mga pwesto.
Sa ngayon, 3 matataas na opisyal na Bangsamoro police ang nanganib na maalis sa pwesto kabilang ang mismong regional director, dahil sa sunod-sunod na insidente ng karahasan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP sa insidente ng pagpatay sa mayor ng Rizal, Cagayan
Ngayong umaga nagtungo sa lugar si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil upang alamin ang update sa imbestigasyon ng binuong special investigation task group.
Kasama sa bina-validate kung maituturing itong election related incident.

Nanawagan naman ang PNP sa iba pang mga kandidato na may natatanggap na banta, na agad makipag-ugnayan sa kanila upang mabigyan ng sapat na seguridad.
Layon nitong mapigilan ang mga insidente ng karahasan habang papalapit ang eleksyon.
Sa kasalukuyan, nasa 362 na mga ligar sa bansa ang nasa listahan ng election areas of concern, 185 dito ang nasa yellow category, 139 ang nasa orange, 34 ang nasa red category habang 2 ang nasa ilalim ng Comelec control
Mar Gabriel