Mga tauhan ng BI na isinangkot sa ‘pastillas scam’, balik muli sa trabaho matapos ang anim na buwan na suspensyon

Nilinaw ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hindi sinibak sa serbisyo ang mga kawani ng Bureau of Immigration na una nang sinuspinde dahil sa pagkakadawit sa tinaguriang ‘pastillas’ modus.

Sinabi ni Guevarra na natapos na ang anim na buwan na preventive suspension laban sa mga nasabing immigration personnel kaya balik na ang mga ito sa punong tanggapan ng BI.

Gayunman, karamihan aniya sa mga ito ay hindi binigyan ng bagong assignments habang nakabinbin ang kanilang kaso.

Ayon sa kalihim, nagpapatuloy ang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman at ang administrative proceedings ng DOJ.

Binigyang-diin ni Guevarra na hindi pa tanggal sa serbisyo ang mga dawit na BI personnel dahil on going pa ang imbestigasyon laban sa mga ito.

Nakasalalay aniya sa mga BI commissioners kung bibigyan ng bagong assignments ang mga sangkot.

Si dating Ports Division Chief Grifton Medina na pangunahin sa mga kinasuhan sa pastillas scam ay hindi aniya ibinalik sa nasabing posisyon.

Ang pahayag ni Guevarra ay taliwas naman sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa SONA nito na kabilang sa mga sinibak sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay ang mga BI personnel sa pastillas modus.

Ipinaliwanag ni Guevarra na may kapangyarihan naman ang DOJ at Office of the Ombudsman sa ilalim ng mga panuntunan ng Civil Service Commission na disiplinahin o sibakin sa serbisyo ang mga tauhan ng BI para sa kasong dishonesty at iba pang major admin offenses.

Sa reklamo ng NBI na inihain sa Ombudsman laban sa mga dawit na immigation officers, sinabi na nagkuntsabahan ang mga nasabing tauhan sa pastillas scheme para humingi at tumanggap ng mga salapi, regalo at iba pang benepisyo mula sa mga dayuhan kapalit ng pagpapasok sa mga ito sa  bansa kahit wala ang mga kinakailangang dokumento

Moira Encina

Please follow and like us: