MWSS pinagpapaliwanag ang Maynilad sa mga panibagong water service interruption

Inatasan ng Metropolitan Waterworks Sewerage System-Regulatory Office (MWSS RO) ang Maynilad Water Services na magpaliwanag kaugnay sa pinakahuling water service interruptions nito mula August 14 hanggang September 1 sa West Zone.

Sa notice na inisyu ng MWSS RO, nais nito na ipaliwanag ng water company kung bakit ito nabigo na abisuhan nang maaga ang lahat ng apektadong customers sa plano nitong water service interruptions.

Inaalam din ng MWSS mula sa Maynilad ang mga isyu sa likod ng problema sa suplay ng tubig.

Pinaalalahanan ng MWSS RO ang Maynilad na i-post ang mga abiso nito sa social media gaya ng Facebook at Twitter at sa traditional media nang hindi bababa sa 48 oras bago ang implementasyon ng water service interruptions.

Sinabihan din ng regulatory office ang Maynilad na magpatupad ng mga hakbangin para maibsan ang epekto sa mga konsyumer ng pagputol sa suplay ng tubig.

Pinagsusumite rin ang water concessionaire ng konkretong plan of action at magpatupad ng solusyon sa nagpapatuloy na problema sa water supply at quality sa West Zone, at pabilisin ang pagbabalik ng normal na serbisyo nito sa customers.

Moira Encina

Please follow and like us: