Myanmar military, nagdeklara ng isang taon na state of emergency
YANGON, Myanmar (Agence France-Presse) – Nagdeklara ng isang taon na state of emergency ang military ng Myanmar, kung saan ang kapangyarihan ay ibinigay sa isang dating heneral matapos arestuhin ang civilian leader na si Aung San Suu Kyi at iba pang senior officials.
Sa anunsiyo na binasa sa Myawaddy TV na pag-aari ng militar, nakasaad na ang hakbang ay kailangan para i-preserba ang katatagan sa estado, kung saan inaakusahan nila ang election commission ng bansa ng kabiguang tugunan ang napakalaking iregularidad sa eleksyon noong Nobyembre.
Si Suu Kyi, de facto leader ng Myanmar, ay idinitine kasama ng pangulo at iba pang pangunahing pulitiko, matapos ang ilang linggo na ring tensiyon kaugnay ng mga alegasyon ng dayaan sa halalan.
Nakasaad sa statement na nilagdaan ng bagong acting president na si Myint Swe, isang dating heneral na naging Vice-President, nabigo ang UEC (Election Commission) na resolbahin ang napakalaking voter lists irregularities sa Multiparty general election noong Nobyembre 8, 2020.
Inaakusahan nito ang iba pang party organisations ng pamiminsala sa katatagan ng estado. At dahil ang sitwasyon ay kailangang lutasin ayon sa batas, kaya idineklara ang isang state of emergency.
Batay sa statement, ang responsibilidad para sa “legislation, administration and judiciary” ay ipinahahawak sa Military Commander-in-Chief na si Min Aung Hlaing.
Liza Flores